Tuesday, April 12, 2005

Tagasusi

Binantayan ko sa CNN ang lahat ng pangyayari. Mukhang naghihintay na sila ng kanyang pagpanaw, matagal din naman siyang huminga. Maraming tao ang nasa labas ng kanilang bintana. Siya ang dating nagbabasbas ng mga tao mula sa bintanang iyon, ngayon siya ang itinataas ng mga tao. Kung sa bagay hindi na nakakagulat kung maraming tao ang nanalangin na bigyan pa siya ng mahabang buhay. Marami talagang hindi nakakaintindi ng kabuluhan ng buhay. Akala nila mas mahaba ang buhay, habang humihinga ka ay pinagpapala ka pero malas ka pag nalagutan na. Hindi nila alam ang sikreto. Hindi nabubuhay ang tao para sa mundong ito. Ganyan talaga ang ideya ng siguro 98 porsiyento ng mga tao. Kaya maraming nagrereklamo sa mga unos ng buhay, kasi nakasentro sila dito. Hindi tayo tagarito, ewan ko sa inyo ha, ako ayokong tumira dito habang panahon. May nakahanda sa ating mas "mayamang buhay." Kaya tama nga yung nakapulang biglang nagsalita sa radyo "ipagdasal natin ang kalooban ng Lumikha ang maganap." Yun! Tama! Kaya nga nung bandang huli na at nanghihina na ang tagasusi alam kong kinukuha na siya ng Lumikha. Biruin mo hawak niya ang susi ng Buhay sa kabila, binuksan kaya niya ang pinto? Natapos at natapos. Nailibing. Kanino kaya ipapasa ang susi?

Thursday, March 31, 2005

Tagabantay

Si San Miguel ang pumaparoo't-parito para bantayan ang pintuan kung sino ang makakapasok o hindi. Marami rin namang gustong makapasok kung pwede pero talagang wala silang magagawa. Sinabihan naman sila na huwag sarili ang intindihin habang nakatuntong pa sa lupa, ayan tuloy, ngayon nahihirapan sila. Mayroon pa ngang iba dyan ni ayaw tanggapin na hindi na sila tagalupa, hindi na! Masyadong minahal ang sarili. Bagay, masarap rin namang mahalin ang sarili, may doktrina kasing "learning to love yourself is the greatest love of all." Kinanta yan pero hindi ko alam kung yung composer ang nagimbento, minsan nga nakanta ko yan sa videoke, medyo nag-isip ako nuong bandang huli, "teka, teka, parang may hindi masyadong tama di bale basta nasa tono..." Nakikibantay din ako, sa kanilang mga baka matagalan pa sa paglilibot, sabi tanggapin lang daw na hindi ka na tagarito biglang may sisinag na liwanag at kailangang sundan mo yun, pag nagsuplado ka pa matatagalan ka. Sa iba siguro isang lingon na lang pero sa iba mukhang malayo pa ang umaga.